Tsinoy tiklo sa 2 kilo ng shabu
MANILA, Philippines – Nadakip ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) sa isang anti-drug operation ang isang Tsinoy na nagresulta ng pagkakakumpiska ng halos dalawang kilo ng shabu, na nagkakahalaga ng P3.4 milyon kahapon ng hapon sa Caloocan City.
Ang naarestong suspek ay kinilalang si Mike Tiu, 36-anyos, residente ng Brgy. Sta. Lucia, Masantol, Pampanga.
Sa ulat ng District Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (DAID-SOTG), dakong alas-12:30 nang ikasa ang isang buy-bust operation katuwang ang Malabon City Police sa loob ng isang sikat na fast food chain sa may Araneta Square sa Bonifacio Monument Circle.
Bago ito ay isinailalim sa surveillance operation ng Malabon Police si Tiu makaraan na may magtimbre sa big time na operasyon nito sa pagtutulak ng iligal na droga.
Nakumpiska sa posesyon ni Tiu ang tinatayang halos dalawang kilo ng shabu na tinangka nitong ibenta sa isang asset na nagpanggap na buyer.
Si Tiu ay nahaharap sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at nakaditine ngayon sa NPD-DAID-SOTG detention cell.
Isinasailalim na ngayon sa masusing imbestigasyon ang suspek upang mabatid ang koneksyon nito sa mga internasyunal o lokal na grupo na nag-o-operate sa Metro Manila.
- Latest