Pinalakol na, sinaksak pa... ginang inatado ng selosong mister
MANILA, Philippines - Halos maghiwalay ang katawan ng isang 25-anyos na ginang matapos na siya ay pagpapalakulin at pagsasaksakin ng kanyang selosong mister naganap kamakalawa sa Tupi, South Cotabato.
Ang biktima na namatay agad ay kinilalang si Rona Mae Villarubia.
Nilalapatan naman ng lunas sa pagamutan ang mister nito na si Argie Villarubia, 30, dahil sa tangkang pagpapakamatay nang saksakin ang dibdib ng dalawang beses.
Sa ulat ni Tupi police chief, Chief Inspector Larry Salcedo, dakong alas-9:30 ng umaga nang maganap ang krimen sa Notre Dame Farm, Purok 10, Brgy. Poblacion ng bayang ito.
Bago ang krimen ay sinumpong ng sakit na depresyon ang suspek at agad na dinaluhong ng saksak ang walang kamalay-malay na misis at nang bumulagta ay pinagpapalakol pa ito.
Nang mapatay ang misis ay tinangka ng suspek na magpakamatay sa pamamagitan ng pagsaksak ng dalawang beses sa kaniyang dibdib subalit, hindi napuruhan.
Nabatid na isang linggo nang hindi nakakainom ng gamot ang suspek na dumaranas ng depresyon at nadagdagan pa ng pagseselos nito kaya’t nagawa ang krimen.
Ipinasalamat din ng pulisya na wala sa bahay ang anak nilang 3-anyos na batang lalaki na nagkataong nasa kaniyang lola.
Nakatakdang sampahan bukas ang suspek ng kasong parricide sa Koronadal City Prosecutors Office.
- Latest