MANILA, Philippines - Hindi napakinabangan ng dalawang holdaper ang kanilang mga natangay sa mga pasahero ng jeep na kanilang hinoldap matapos na makaengkuwentro ang mga pulis kamakalawa ng gabi sa Payatas, Quezon City.
Walang nakuhang anumang pagkakakilanlan sa mga suspek na ang isa ay inilarawan na may taas na 5’0”, payat, may kaputian ang balat, nakasuot ng kulay berdeng t-shirt, at maong na pantalon, may tattoo sa kanang balikat na “Palomar” at sa likod na “Nestor Nava” at kaliwang balikat na “Bong” ang ikalawa naman ay may taas na 5’3”, moreno, katamtaman ang katawan, nakasuot ng itim na t-shirt, itim na maong pants, itim na leather shoes at may tattoo sa gawing itaas ng likuran na “Commando M Zalnodin Galong.
Sa ulat, bago nangyari ang shootout dakong ala-1:20 ng madaling araw sa Samar Street, AMLAC Subdivision, Payatas sa lungsod ay sumakay ang mga suspek sa isang pampasaherong jeep (UVU-605) na minamaneho ni Michael Adel.
Pagsapit sa may Payatas Road, kanto ng Samar St.,ay naglabas ng mga baril ang mga suspek at nagdeklara ng holdap.
Nang makuha ang mga gamit ng mga biktima ay nagsipagbabaan ang mga ito at sumakay sa naghihintay na motorsiklo at tumakas.
Nagsumbong ang mga biktima at driver ng jeep sa himpilan ng Police Station-6 na nagsagawa ng follow-up operation sa lugar.
Pagsapit sa kahabaan ng San Clemente Road ay naispatan ng mga biktima ang isa sa mga suspek na bitbit ang kulay pulang shoulder bag, sanhi para pigilan ng mga otoridad.
Imbes na sumuko ay bumunot ng baril ang mga suspek at pinaputukan ang mga pulis na napilitang gumanti hanggang sa masawi ang dalawang suspek.