Roro lumubog: 3 nalunod, 3 missing

MANILA, Philippines -  Tatlo katao ang naiulat na nasawi habang tatlo ang nawawala at nasa mahigit 100 ang naisalba nang lumubog ang isang roll on/roll off (RORO) vessel sa karagatan ng Panaon Island, Southern Leyte kamakalawa ng gabi.

Bagamat kuwestiyunable pa ang manifesto na sinasabing nasa 84 na kinabibilangan ng 58 pasahero at 26 na crew ng nasabing barko, lumalabas naman sa nakuhang impormasyon ng PCG sa kapitan ng barko na si Juan Sayago, na may 85 silang pasahero at 31 ang crew na may kabuuang 116.

Hindi naman umano  overloaded ang barko dahil may passenger capacity ito na 493.

Batay sa ulat, nagkaroon umano ng problema sa makina ang barko dahil sa paghataw ng mala­lakas na alon sa nasabing karagatan.

Ang barko ay umalis dakong alas-2:00 ng hapon sa pantalan ng Lipata, Surigao City patungong Liloan, Southern Leyte.

Bandang alas-4:00 pa lamang ng hapon ay nagkaaberya na at nang alas 7:30 na ay unti-unting pinapasok ng tubig kaya idineklara na ng kapitan na ‘“abandon ship”.

Ayon naman kay PCG spokesman Lt. Comman­der Armand Balilo, ang isang barko ng Philippine Navy  ay may naisalbang 31 pasahero kung saan pito ang sugatan habang 11 ang nailigtas ng isa pang navy ship.

Lumalabas na nasa 144 nasagip ay dinala sa hospital sa Surigao City.

Masama ang panahon sa nasabing bahagi ng Leyte bunga ng bagyong Luis, bagamat walang signal storm doon.

 

Show comments