MANILA, Philippines – Nadakip ng mga tauhan ng Manila Police District-District Special Operations Unit (MPD-DSOU) sa isinagawang anti-criminality operations ang dalawang drug pusher kamakalawa sa F. B. Harrison at Vito Cruz Sts., Malate, Maynila.
Ang dalawang suspek na ipinagharap ng kasong paglabag sa Section 11 at 12 ng Republic Act 9165 (Dangerous Drugs Act) at Presidential Decree 1866 (amended by RA 8294) o illegal possession of firearms and ammunitions sa Manila Prosecutor’s Office ay kinilalang sina Narciso Cervantes, 34, biyudo, driver, residente ng no. 032 R. Huggins St., Pasay City at Ryan Palaganas, 24, may-asawa, ng 2438 Decena St., Pasay City.
Ayon kay DSOU chief, C/Insp. Antonio Guanzon, nagsagawa ang kaniyang mga tauhan ng anti-criminality operations sa nasabing lugar dakong alas-2:00 ng madaling-araw sa pamumuno ni Insp. Dave Abarra dahil sa mga talamak na holdapan sa lugar.
Napansin ng grupo ng DSOU, ang pagparada sa tapat ng kanilang sasakyan ng isang Honda (WHY-320) na kulay pula, at lumabas ang driver ng sasakyan na may nakasukbit na baril kasunod ang isa pang lalaki na may sukbit ding baril sa bewang.
Nang lapitan ng grupo ni Abarra, nagsabi pa umano ang suspek na si Cervantes na pulis, subalit nahalata ito dahil nanginginig ang boses kaya’t hinanapan ng police ID ni PO3 Ronaldo Intia.
Nang wala mailabas ay agad dinisarmahan naman ni PO3 Fernando Coloma ang dalawang suspek.
Narekober sa dalawang suspek ang isang Caliber 40 pistol Glock-23 na kargado ng 13 bala at cal. 38 revolver na may 5 bala.
Nang rekisahin ang sasakyan ay nakuha nina PO3 Manuel Pimentel at PO2 Paulo Samonte ang isang “Nike Bag” na naglalaman ng ilang plastic sachet ng shabu, isang timbangan at improvised heat sealer.