P2-B ‘Tongpats’ sa Makati siniyasat na sa Senado
MANILA, Philippines - Tinatayang umabot umano sa P2 bilyon ang kinita ni Vice President Jejomar Binay at iba pang opisyal ng Makati dahil sa pagtatayo ng Makati City carpark building II na halos umabot sa P2.7 bilyon ang halaga.
Ito ang sinabi kahapon ni Atty. Renato Bondal, resource person sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa sinasabing overpriced na building na ipinatayo ng gobyerno ng Makati.
Ang pagpapatayo umano ng nasabing gusali na umabot sa halos P2.7 bilyon na hinati sa limang bahagi ngunit ang lahat ng ito ay napunta lamang sa iisang contractor.
Kaya tinawag ni Atty.Bondal ang Makati City bilang “chop-chop capital of the Philippines,” dahil sa ginagawang paghati ng kontrata sa iisang proyekto kaya’t lumobo ang halaga.
Lumalabas na P84,000 bawat square meter ang halaga ng gusali at sa kabuuan ay umaabot umano sa 300% ang overprice na halaga ng naturang gusali.
Ayon sa evaluation ng kilalang appraiser na si Federico Cuervo, karaniwan lamang na umaabot sa P23,000 kada square meter ang market value ng isang gusali na katulad ng Makati Carpark building, kahit ito ay gawa pa sa Grade A na materyales.
Ayon dito, dapat umabot lang ng halos P700 milyon ang Makati City Hall Parking building na lubos na mas mababa kaysa sa P2.7 bilyon na inilaan sa nasabing gusali.
Binigyan linaw din ni COA Chairperson na si Grace Pulido-Tan na walang inisyu na clearance ang COA na nagsasabing walang anomalya sa nasabing transakyon, kabaliktaran sa sinasabi ni Makati Mayor Junjun Binay. Dagdag pa nito, kasalukuyang binubusisi pa ng COA ang nasabing proyekto.
Sa nasabing pagdinig, nagsumite ng mosyon si Senador Antonio Trillanes IV, nang maghain ng resolusyon upang imbestigahan ang nasabing anomalya, at magkaroon ng inspeksyon sa nasabing gusali.
Ang susunod na pagdinig ay naka-takda sa susunod na Martes, 26 ng Setyembre.
- Latest