MANILA, Philippines - Pagkalipas ng halos tatlong taon na pagtatago sa batas ay nadakip kahapon sa isang bahay sa Sta. Mesa, Maynila si dating Major General Jovito Palparan.
Ayon kay Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) Chief Major Gen. Eduardo Año, pinuno ng Task Force Runaway, dakong alas-3:30 ng madaling-araw nang maispatan si Palparan ng kanilang mga operatiba na nagwi-withdraw sa ATM machine sa Old Sta.Mesa, Maynila.
Dito na sinundan ng mga operatiba si Palparan na nasakote sa isang lumang bahay sa panulukan ng Teresa St., Old Sta. Mesa, Maynila na hindi nanlaban.
Kahit na pumayat, nagpahaba ng buhok, bigote at balbas ay positibo pa ring nakilala ng mga otoridad si Palparan na ilang buwang ding sinubaybayan ng intelligence operatives.
Nakasuot ng t-shirt na puti at short na itim si Palparan nang mahuli.
Nabatid na si Palparan ay nagpalipatlipat ng lugar sa pagtatago sa Zambales, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Cagayan de Oro, Antique at may 3 buwan ng nagtatago sa Sta. Mesa bago ito nasakote.
Aminado naman si Año na naging mahirap ang pag-aresto kay Palparan dahilan isa itong dating intelligence officer na kayang tiisin na hindi magpasikat sa araw at tumawag sa kaniyang pamilya habang nagpapalipatlipat ng taguan. Nagsimulang magtago ang heneral noong 2011 matapos na magpalabas ng warrant of arrest sa kasong kidnapping at serious illegal detention sa pagkawala ng University of the Philippines (UP) students na sina Karen Empeño at Sheryn Cadapan noong 2006.
Una ng nag-alok si Pangulong Noynoy Aquino ng P2 milyon para sa ikakaaresto ni Palparan.
Tinukoy ni Año, na isang Grace Roa, kaibigan ng pamilya ni Palparan ang may-ari ng bahay sa Sta.Mesa, Maynila ang mahaharap sa kasong obstruction of justice sa pagtulong sa high profile fugitive.
Sinabi naman ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr., na mas mabuti ng nasakote si Palparan ng mga otoridad dahilan may death threat ito mula sa mga NPA.