Pinoy hinatulan ng ‘Life’ sa UAE
MANILA, Philippines - Habambuhay na pagkakakulong ang ipinataw na parusa sa isang 35-anyos na Pinoy dahil sa umano’y drug trafficking sa Dubai, United Arab Emirates (UAE).
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang Pinoy ay inaresto sa Dubai noong Abril dahil sa pagdadala ng 4.75 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu na nakuha sa kanyang bulsa sa labas ng tinutuluyang gusali sa Satwa.
Nang isasagawa ang pagsalakay sa tirahan ng Pinoy, naaktuhan din ng mga awtoridad ang nobya ng una na umano’y lango rin sa droga.
Bukod sa pagkakakulong, pinagmumulta ng Dubai Court of First Instance ang Pinoy na hindi pinangalanan ng 50,000 dirhams dahil sa pagdadala at pagbebenta umano ng illegal drugs.
Sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Charles Jose na nakaabot na sa kanila ang ulat subalit patuloy nilang bineberipika ito at handa nilang bigyan ng legal assistance ang Pinoy upang maiapela sa mataas na hukuman ang nasabing desisyon.
Pinabulaanan ng Pinoy na sangkot siya sa pagbebenta ng shabu bagaman nasabi umano nito sa investigating prosecutor na isang Korean national ang nagbigay sa kanya ng droga upang ibenta sa isa pang lalaki ng 10,000 dirhams. Nangako umano ang dayuhan na bibigyan siya ng 1,000 dirhams bilang kabayaran.
Nakatakda namang humarap ang nobya ng Pinoy sa pagdinig ng Dubai Misdemeanors Court dahil sa paggamit ng ilegal na droga.
- Latest