MANILA, Philippines - Isang miyembro ng mga pinaghihinalaang bandido ang nasawi nang masagupa ang tropa ng militar nang atakihin ang isang banana plantation sa Tulunan, North Cotabato kamakalawa.
Kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan sa napaslang na bandido.
Ayon kay AFP–Eastern Mindanao Command (AFP-Eastern Mindanao) Spokesman Captain Alberto Caber, naganap ang bakbakan dakong alas-10:30 ng umaga may ilang metro ang layo sa Delinas Banana Plantation sa Sitio Pedtad, Brgy. Dugos, Tulunan ng nasabing lugar.
Nabatid na bago ang bakbakan ay sinalakay ng mga armadong grupo sa pamumuno ni Sukarno Sultan at Lingguna Sultan ang nasabing banana plantaion at sinunog ang dalawang backhoe, isang boom truck spray at dalawang diesel engines.
Mabilis na nagsitakas ang mga bandido ngunit nakasagupa nila ang mga nagrespondeng elemento ng Army’s 39th Infantry Battalion at ng mga miyembro ng lokal na pulisya na nauwi sa bakbakan at nagresulta sa pagkamatay ng isang bandido na inabandona ng mga nagsitakas na kasamahan.
Nabatid na ang P659M Delinas Development Corporation ay subsidiary ng Del Monte Fresh Produce Philippines Inc., at tinataya na aabot sa P 30M ang pinsala sa pag-atake ng mga bandido.