7 pribadong paaralan nagsara

MANILA, Philippines - Nagsara ang pitong pribadong paaralan sa Metro Manila dahil naglipatan sa mga pampublikong eskuwelahan ang kani-kanilang mga mag-aaral.

Sinabi ni Eleazardo Kasilag, presidente ng Federation of Associations of Private Schools and Administrators (FAPSA),  kabilang sa mga nagsara ay apat na private schools sa Parañaque at tatlo naman sa Valenzuela. Bukod sa pito ay nanganganib na rin umanong magsara ang iba pang private schools sa bansa dahil sa patuloy na pagbaba ng bilang ng kanilang mga mag-aaral.

Problema rin ng FAPSA ang nagsusulputang private schools na hindi accredited ng Department of Education (DepEd).

Dagdag-pasanin din aniya ng mga private school ang pag-alis ng ilang guro na mas pinipiling pumasok sa public schools dahil sa mas mataas na pasahod at humihingi pa ngayon ng umento.

Sinabi ni Kasilag na P6,000 lamang kada buwan ang sinasahod ng mga guro bilang entry level sa private schools, na napakaliit kumpara sa sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan.

Sa ngayon aniya ay nasa tatlo hanggang 10-guro ng mga miyembro ng FAPSA ang lumilipat sa public schools taun-taon. Wala naman aniya silang magawa upang dagdagan ang sahod ng mga ito dahil hindi rin sila kaagad makapagtataas ng matrikula na walang pahintulot ng DepEd.

Sa mga paaralan aniya na humiling ng tuition fee increase ay kaunti lamang ang mula  sa Metro Manila at karamihan sa mga ito ay mga taga-probinsya.

 

Show comments