Matapos holdapin ang 5 pasahero 2 holdaper todas sa barilan

Ang isa sa dalawang holdaper na napatay ng mga pulis sa isang barilan matapos na holdapin nila ang limang pasahero ng isang jeep  kahapon ng madaling-araw sa kahabaan ng Mangga St., kanto ng Aurora Boulevard, Quezon City. Nakatakas ang isa nilang kasamahan.- BENING BATUIGAS-

MANILA, Philippines - Dalawang lalaki na pinaghihinalaang holdaper ang nasawi habang ang isa nilang kasama ay nakatakas nang makipagbarilan sa mga pulis matapos na holdapin umano ng mga ito ang limang pasahero ng jeep kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Pawang walang nakuhang IDs sa dalawang la­laki na armado ng ka­libre 38 baril at inilarawan ng pulisya ang isa na nasa pagitan ng edad na 35-40, may taas na 5’2”, nakasuot ng kulay pulang t-shirt, at six pocket na short pants, katamtaman ang katawan at  isa ay  nakasuot ng kulay dilaw na t-shirt, itim na short pants, payat ang pangangatawan, at may kaitiman ang balat.

Sa ulat, bago nangyari ang shootout dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa kahabaan ng Aurora Boulevard kanto ng Betty Go-Belmonte St., Brgy.Mariana ay sumakay ang tatlong lalaki sa jeep na minamaneho ni Joel Gumaob na mayroon nang sakay na limang katao sa bahagi ng Seattle St.

Pagsapit sa Betty Go-Belmonte St., ay biglang nagdeklara umano ng holdap ang tatlong lalaki at  pinagtutukan ng baril ang limang pasahero at nilimas ang kanilang mga gamit.

Nang makuha ang pakay ay mabilis na nagsipagbabaan ang tatlong suspek sa lugar, subalit tiyempo namang nakaparada sa may harap ng BPI-Hemady ang isang mobile patrol car sakay sina PO3 Renandang Masiding at PO1 Ryan Aguila at napuna ang komosyon  at rumes­ponde.

Hindi pa umano nakakalapit ang mga otoridad nang sila ay paputukan ng tatlong  suspek kaya’t gumanti ang mga ito ng putok na nauwi sa eng­kwentro hanggang sa bumulagta ang dalawang suspek, habang nakatakas ang isang kasama.

Narekober sa tabi ng dalawang napatay na suspek ang tig-isang paltik na kalibre 38 baril, sling bag na naglalaman ng iba’t ibang identification card, at cellphone.

Show comments