Deniece sumuko na

Inieskortan ng pulis na ito ang modelong si Deniece Cornejo nang sumuko kahapon sa Camp Crame matapos ang ilang linggong pagtatago sa batas nang ipalabas ang arrest warrant sa kanya sa kasong serious illegal detention na isinampa ni TV host/actor Vhong Navarro.-PNP PHOTO-

MANILA, Philippines - Sumuko na kahapon sa tanggapan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan Purisima sa Camp Crame ang modelong si Deniece Cornejo matapos ang isang linggong pagtatago nang magpalabas ng warrant of arrest ang Taguig RTC sa kasong serious illegal detention na isinampa ni TV host/actor Vhong Navarro.

Batay sa ulat, bandang alas- 4:00 ng hapon nang dumating sa Camp Crame si Cornejo na  isinailalim sa kustodya ng PNP.

Una nang nadakip ng pinagsanib na elemento ng National Bureau of Investigation (NBI) at PNP ang prinsipal na akusadong negosyanteng si Cedric Lee at  kaibigan nitong  si Simon “Zimmer” Raz sa liblib na lugar sa bayan ng Oras, Eastern Samar noong Abril 26.

Magugunita na nag-isyu ng warrant of arrest ang Taguig City Regional Trial Court (RTC) Branch 271 laban kina Lee at iba pang akusado sa kasong grave coercion at serious illegal detention kaugnay ng pambubugbog kay Navarro noong Enero 22 ng gabi sa Forbeswood Heights Condominium ni Lee sa Taguig City. Ang kasong serious illegal detention ay walang inirekomendang  piyansa.

Si Navarro ay binugbog ng grupo ni Lee matapos na umano’y maaktuhang ginagahasa sa kaniyang unit sa naturang condominium si Cornejo bagay na hindi sinang-ayunan ng Department of Justice.

 Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, lbago ito ay naki­pagkoordinasyon na si Cornejo sa PNP para sa kaniyang pagsuko na sinamahan ng kaniyang pamilya sa pagsuko sa Camp Crame.

Sinabi ni PNP-CIDG Chief P/Director Benjamin Ma­galong na pansamantang ididitine si Cornejo sa  kanilang custodial facility habang hinihintay pa ang desisyon ng korte kung saan ito nararapat ikulong.

 

 

 

Show comments