14-anyos ginahasa ng textmate na gurang

MANILA, Philippines - Nawasak ang kinabukasan ng isang 14-anyos na dalagita nang gahasain ng isang 29-anyos na lalaki na kanyang textmate matapos na sila ay mag-eyeball kamakailan sa Quezon City.

Agad namang nadakip ang suspek na si Jeffrey Abing, security guard matapos na magsampa ng reklamo ang biktima na itinago sa pangalang Nini, 2nd year high school student sa Caloocan City.

Sa salaysay ng biktima sa pulisya na ang pang­hahalay ay nangyari sa loob ng Hotel Mokko na matatagpuan sa Quirino Highway, Brgy. Sta. Monica dakong alas-10:00 ng gabi nitong Abril 20, 2014.

Nabatid na tinext ng suspek ang biktima na sila ay magkita sa Nova Mall, Brgy. Nova Proper na sinunod naman nito.

Habang nasa mall ay muling inimbita ng suspek ang biktima na manood ng sine sa SM Fairview bago maghapunan.

Nang ihatid ng suspek ang biktima sa sakayan ay dinala niya ito sa nasabing hotel, gayunman, tumangi ang huli, subalit hinawakan siya ng una at puwersahang pinapasok sa loob.

Nang nasa kuwarto na ay inutusan ng suspek ang biktima na mag-shower matapos nito ay naganap ang panghahalay.

Pag-uwi ng bahay ay agad na ipinaalam ng biktima sa kanyang mga magulang ang pangyayari na agad inireklamo sa kanilang barangay  na siyang nagdala sa PNP crime laboratory para ipasuri at  lumabas ang resulta na positibo itong hinalay.

Nitong nakaraang Martes, muling nakatanggap ng text messa­ges ang biktima sa suspek na humiling na muli silang magkita sa harap ng Bernardino Ge­neral Hospital ng alas-12:30 ng madaling-araw kaya’t nagsagawa ang pulisya ng entrapment at naaresto ang suspek.

Sinampahan ang suspek ng rape in a relation to Republic Act 7610.

Show comments