Army sergeant kinidnap ng NPA rebels

MANILA, Philippines - Dinukot ng 15 armadong rebeldeng New People’s Army (NPA) na nagpanggap na mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang isang Army sergeant matapos itong harangin sa highway ng Brgy. Andap, Laak, Compostela Valley kamakalawa.

 Kinilala ni Captain Ernest Carolina ang kinidnap na biktima na si Sergeant Jerico Ray, kasapi ng Army’s 72nd Infantry Battalion (IB).

 Lumalabas sa imbestigasyon, ang mga suspects ay naglatag ng pekeng checkpoints  dakong alas-9 ng umaga habang nakasuot ng t-shirt na asul na athletic uniform ng PNP sa bisinidad ng nasabing lugar at nagkataong dito dumaan si Ray na sakay ng motorsiklo na patungo sa kanilang kampo.

  Ayon sa opisyal, walang dalang armas si Ray nang mangyari ang panghaharang dito ng mga rebelde na pinaniniwalang miyembro ng Guerilla Front 34 ng NPA movement na kumikilos sa lalawigan.

Agad umanong kinaladkad ng mga suspects ang biktima habang pinangangalandakan na isasalang si Ray sa hukumang bayan.

Sa kasalukuyan, ayon kay Carolina ay hinihintay pa ng Army’s 10th Infantry Division ang opisyal na pahayag at pag-amin ng mga rebelde na hawak nila ang naturang sarhento.

 

Show comments