Pagkakaroon ng emergency warehouses isinulong sa Kamara

MANILA, Philippines - Nais ng ilang mambabatas ang pagkakaroon ng emergency warehouses na siyang magbebenta ng murang produkto sa mga lugar na tinatamaan ng kalamidad.

Nakasaad sa House Bill 3781 o “Emergency Warehouse Act” na inihain nina An Waray party list Reps. Victoria Noel at Neil Benedict Montejo at Malabon City Rep. Josephine Veronique Lacson-Noel.

Layunin ng nasabing panukala na magkaroon ng mga emergency warehouses sa calamity areas na magbibigay ng access sa basic necessities o prime commodities sa mura at tax-free prices.

Ayon kay Noel, ito ay upang magtuluy-tuloy ang suplay o availability ng pangunahing bilihin sa mga lugar na sinalanta ng bagyo at iba pang kalamidad upang mapigilan ang manipulasyon o sobrang pagtaas ng pres­yo ng pangunahing bilihin at hoarding.

Inihalimbawa ng mambabatas ang naging kaganapan sa mga lugar na binayo ng super typhoon Yolanda kung saan nagkaroon ng shortage ng pagkain, malinis na tubig, gamot at iba pang pangangailangan.

Sa paglalagay umano ng mga emergency warehouses sa calamity areas ay mabibigyang prayoridad ang mga lugar na nangangailangan ng agarang tulong at suporta.

Nakasaad pa sa panukala na ang Department of Trade and Industry (DTI) ay kailangang magpadala o magset-up ng emergency warehouses sa mga calamity areas para magbenta ng pangunahing bilihin sa murang halaga.

 

Show comments