Bulacan education fund kinuwestyon
MANILA, Philippines - Nasa P10,850,351 mula sa Special Education Fund na ginastos ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan noong 2012 na umano ay hindi pinahihintulutan ng batas na naglikha sa naturang pondo ang kinuwestyon ng isang anti-graft crusader.
Ipinaliwanag ni Antonio Manganti, anti-graft crusader na ang SEF ay nalikha sa bisa ng Republic Act 5447 na naisabatas noon pang pang 1968.
“Malinaw na isinaad ng RA 5447 na ang SEF ay maaari lamang gastusin sa mga pangangailangan ng public school system o mga gawain at aktibidad na pinahintulutan ng mga school board.
“Walang anumang bahagi ng RA 5447 ang nagsasaad na maaaring gastusin ang SEF sa anumang donasyon anuman ang dahilan nito,†ayon kay Manganti.
Subalit, noong 2012, ayon sa COA report, ibinulgar ni Manganti na nabigyan ng hindi otorisadong donasyon ang ilang pribadong mamamayan o mga samahan ng mga ito, mga pamahalaang local, mga non-government agencies at mga non-government organizations (NGOs) at mga samahan ng mga pribadong indibidwal o people’s organizations.
Ayon sa COA report, ang mga samahan ng mga pribadong indibidwal at mga NGOs na nabigyan ng hindi otorisadong donasyon ay wala ring accreditation o hindi kinikilala ng Sangguniang Panlalawigan na ipinagbabawal ng Section 36 ng RA 5447.
Idinagdag pa na sa ilalim ng Section 305 ng RA 7160 o Local Government Code, walang anumang salapi mula sa kaban ng lokal na pamahalaan ang maaaring gastusin kung hindi rin lamang ito pagsunod sa isang ordinansa.
Sa ilalim din ng Section 305 (a) ay nakasaad din na ang pondo ng local na pamahalaan ay maaari lamang gastusin para sa serbisyo publiko para sa higit na nakararami.
- Latest