MANILA, Philippines - Hinarang ng walong kalalakihan ang sasakÂyan ng isang mag-asawa na kapwa supervisor ng isang elementary school at pagkatapos ay dinukot sila ng mga ito na naganap kamakalawa ng gabi sa Brgy. Diplo, Kumalarang, Zamboanga del Sur.
Ang mag-asawa ay kinilalang sina Rudy at Tessie Luna; pawang supervisor sa Kumalarang Central Elementary School sa nasabing bayan.
Batay sa ulat ng Zamboanga del Sur Police, dakong alas-8:00 ng gabi ay sakay ang mag-asawa ng kanilang Toyota Fortuner at binabaybay ang bisinidad ng Brgy. Diplo nang harangin sila ng mga suspek na matagal nang nakaantabay sa lugar.
Tinutukan ng baril ang mag-asawa ng mga suspek na sumampa sa kanilang sasakyan at kinomander ito patungo sa direksyon ng Sitio Dacun, Brgy. Picanan, Kumalaran ng lalawigan.
Habang inihahanda ng mga suspek ang pumpboat na pagsasakyan sa mag-asawa ay nagawang makatakas ni Tessie, pero naiwan ang mister nito na tinangay ng mga kidnapper sa hindi pa malamang destinasyon.
Narekober ng nagÂrespondeng mga pulis ang behikulo ng mag-asawa sa tabing aplaya ng naturang barangay.