4 tiklo sa P1.3B shabu

MANILA, Philippines - Apat katao ang dinakip ng otoridad matapos na madiskubre ang 272 kilo ng shabu sa loob ng kanilang sasakyan sa Marina Bay area, Parañaque City kahapon.

Ayon kay Atty. Roque Merdeguia, spokesperson ng Philippine National Police-Anti-Illegal-Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) dakong ala-1:00 ng hapon ay isang impormante ang nag-tip sa kanila na isang  silver Mitsubishi Adventure (WVI 579)  mula sa Parañaque ay magdedeliber ng  illegal drugs sa  Cavite.

Kaya naman sinundan ng PNP-AIDSOTF ang sasakyan at nang siya­satin ay may karga itong anim na box na kahoy na naglalaman ng 272 kilo ng shabu na aabot sa halagang P1.3 bilyon at naaresto ang apat na suspek.

Kinilala ang apat na suspek batay sa nakuhang ID sa kanila na  sina Ro­bert Tan, Oliver Tan, Mark Jun San Gab­riel at Felino Lopez.

Ayon naman kay Ro­bert na binayaran sila ng P70,000 upang kunin ang mga kahon mula sa Sentosa at ibibiyahe sana nila sa  Cavite nang maaresto sila.

Show comments