Magulang nasa trabaho... mag-utol magkayakap na natupok

MANILA, Philippines - Halos natusta ang katawan at natagpuang magkayakap ang magkapatid na paslit na nakulong sa nasusunog nilang bahay sa Lipa City, Batangas kahapon.

Ang magkapatid ay kinilalang sina Prince Johann, 4-anyos at si Jessa Angelica Dimailig, 3-anyos na natagpuang magkayakap ng mga nagrespondeng bumbero sa loob ng natupok na silid ng  kanilang bahay.

Batay sa ulat ni Fire Senior Inspector Von Ferdinand Nicasio ng Bureau of Fire Protection, bandang alas-7:00 ng umaga nang tupukin ng apoy ang bahay ng magkapatid na matatagpuan sa #1043 sa Brgy. Balintawak ng lungsod.

Lumalabas sa im­bestigasyon ni  Fire Officer 2 Ritchie Manalo, naiwang walang kasama ang magkapatid  sa loob ng kanilang bahay ng mangyari ang sunog.

Ang ama ng  mga bata na si Reggie ay nagtatrabaho bilang janitor sa Lipa City National High School habang sa pabrika naman ang kanilang ina.

Lumilitaw pa na ang sunog ay sanhi ng electrical circuit sanhi ng overload sa fuse box sa bahay ng  mga Dimailig na naapula dakong alas-7:55 ng umaga.

Show comments