Mag-ama itinumba sa bahay

MANILA, Philippines - Sa loob ng kanilang bahay pinagba­ba­ril ang isang mag­-ama habang ang mga ito ay magkatabing nanonood ng telebisyon naganap ka­makalawa ng gabi sa Payatas B, Quezon City.

Namatay noon din ang mag-amang sina Jo­bert Gaspar Jr., 37, cons­truction worker at anak na si Jeffrey Gaspar, 15, kap­wa residente sa no. 96 Manondo Compound, Lan­sones St., Brgy. Paya­tas B.

Batay sa ulat, ganap na alas-9:30 ng gabi ay sinasabing nanood ng telebisyon ang mag-ama, kasama ang isang Rosalie Dupla nang biglang pumasok ang dalawang lalaki at agad na pinagba­baril ang batang Gaspar sa katawan at isinunod ang ama.

Nang masigurong patay na ang mag-ama agad na sumibat papatakas ang mga suspek sa lugar, ha­bang si Dupla naman ay mabilis na tumakbo papalabas at humingi ng saklolo sa Molave Police Sub-Station ng Police Station 6.

Narekober sa lugar ang tatlong basyo ng kalibre 45, apat na basyo ng kalibre 9mm at isang tingga.

Ang matandang Gaspar ay nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang mukha at leeg habang ang anak naman nito ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung sino ang mga suspek at motibo ng mga ito para patayin ang mag-ama.

 

Show comments