Naningil ng sobrang placement fee… Recruitment agency sinuspinde
MANILA, Philippines - Pinatawan ng preventive suspension ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Hans Leo J. Cacdac ang isang recruitment agency na sinasabing responsable sa kasong pangoÂngolekta ng sobrang placement fees at hindi pag-i-isyu ng official receipt sa mga aplikante.
Tinukoy ni Cacdac ang sinuspindeng agency ay ang Primeworld Manpower Agency na matatagpuan sa Rooms 201 at 204 ng Estrella Condominium, 858 San Andres St., Malate, Manila.
Ang suspension sa Primeworld ay bunsod ng reklamo ng anim na Overseas Filipino Workers (OFWs) na umano’y ni-recruit ng mga ito at ipinadala sa Taiwan kapalit ng placement fee na halos P100,000 bawat isa nang walang kaukulang resibo.
Batay sa reklamo, nagtrabaho ang mga complaiÂnant bilang factory workers para sa Sixfull Industrial Co. Ltd at tumatanggap ng buwanang sahod na NT$18,780.00.
Ayon kay Cacdac, alinsunod sa section 3 ng Rule V, Part 2 ng POEA Rules and Regulations, ang placement fee ceiling ay dapat na katumbas lamang ng isang buwang sahod ng hired worker.
Sinabi ni Cacdac, ang Primeworld Manpower ay nakagawa ng seryosong kasalanan kaya’t marapat lamang na gumawa sila ng karampatang aksiyon upang maiwasan nang makapambiktima muli ng iba pang aplikante.
Mananatili ang suspension sa Primeworld hanggat walang notice na inilalabas ang POEA.
- Latest