Batang babae nakatakas sa 2 kidnaper

MANILA, Philippines - Nakaligtas sa kamay ng dalawang kidnaper ang isang 10-anyos na batang babae na tangkang dukutin ng mga una matapos na alukin na bibigyan ito ng tinda nilang pastilyas kung sasama sa kanila naganap kama­kalawa sa Taguig City.

Ang dalawang naarestong suspek ay kinilalang sina Steven Delgado, 19, at Vern Abala, 25, kapwa  vendor  at nakatira sa #22 Sapphire St., Rolling Hills Subdivision, Novaliches, Quezon City.

Ang biktima na nakaligtas ay itinago sa alyas Rona na nakatakbo at na­kapasok sa kanilang bahay sa M.L Quezon St., Barangay  Hagonoy ng nasabing lungsod.

Sa salaysay ng ama ng biktima na si Cesar Ca­handing Jr., dakong alas-4:10  ng hapon nang pumasok sa loob ng M.L Quezon Compound ang dalawang suspek upang magtinda ng pastilyas.

Makalipas ang ilang minuto ay nakita ng lolo na si Cesar Cahanding Sr., na nagtatakbo papalapit sa kanya ang apo at isinumbong na pilit siyang isinasama ng dalawang lalaki.

Agad na hinabol ng ama at lolo ng biktima ang mga suspek  at  nasakote ang mga ito.

Itinanggi ng dalawang suspek ang akusasyon na tangka nilang dukutin  ang biktima, subalit idiniin sila ng bata  na siya ay dudukutin  kung hindi lang siya nakatakbo. Sasampahan ng kasong attempted abduction at Republic Act 7610 o child abuse law ang dalawang suspek.

Show comments