Sinita sa busina… chairman pumatay

MANILA, Philippines - Tinutugis ngayon ng pulisya ang isang barangay chairman matapos nitong barilin at patayin ang isang mister dahil sinita ng biktima ang suspek sa walang tigil na pagbusina nito ng kanyang sasakyan na naistorbo ang una sa pagtulog nito sa Caloocan City kahapon ng mada­ling-araw.

Dead-on-the-spot sanhi ng tama ng bala sa ulo si Wilfredo Diwa, 54, may asawa na nakatira sa L. Nadurata St., ng naturang  lungsod.

Pinaghahanap naman ng mga pulis si Othelo Ocampo, nasa hustong gulang, Chairman ng Barangay 136, Bagong Barrio, Caloocan City.

Sa ulat ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong  alas-3:42 ng madaling araw sa tapat ng bahay ng biktima.

Sinasabing ipinarada ng suspek ang kanyang sasakyan at walang tigil ito sa kakabusina upang tawagin ang apat na taong gulang na anak na lalaki.

Nagising at naistorbo umano ang biktima na naging dahilan upang lumabas ng bahay saka pabulyaw na sinita ang suspek.

Ikinagalit naman ng Chairman ang pagbulyaw sa kanya kaya bumaba ito ng sasakyan bitbit ang kanyang baril at pinaputukan ang biktima bago tumakas.

Show comments