Beautician pinabulagta

MANILA, Philippines - Bulagta ang isang lalaking beautician makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang biktima na si Wilfredo Radomes, 42, binata ng nasabing lungsod.

Sinabi ni PO2 Dennis Llapitan, may-hawak ng kaso, blangko pa sila kung sino ang salarin dahil walang nakakita sa nasabing krimen.

Nabatid na ang insidente ay naganap sa harap ng Cebuana Lhuillier pawnshop sa may kahabaan ng Riverside, Brgy. Commonwealth, ganap na ala-1:00 ng madaling araw.

Ayon sa isang Mario Delmar,  nasa loob sila ng kanilang bahay nang makarinig sila ng kanyang asawa ng putok ng baril mula sa labas ng kanilang ta­ha­nan.

Nang tignan ang pinanggalingan ng putok ay nakita nila ang duguang katawan ng biktima habang nakahandusay sa kalsada.

Agad na ipinagbigay alam ang nakita sa mga barangay official  na siyang tumawag ng mga awtoridad para sa imbestigasyon sa krimen.

Narekober sa lugar ang tatlong basyo ng bala ng kalibre 45 na siyang ginamit sa pagpatay sa beautician.

Show comments