MANILA, Philippines - Bunsod nang pagdiriwang ng Filipino Seafarer’s Day bukas, Hunyo 25, pagkakalooban ng Light Rail Transit (LRT) at ng Metro Rail Transit (MRT) ng libreng sakay ang mga Pinoy seafarers sa bansa.
Sinabi ni LRT Administration spokesman Hernando Cabrera, ang libreng sakay sa LRT 1 at 2, gayundin sa MRT-3 ay mula alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng umaga at mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.
Ang kinakailangan lamang umano para makapag-avail ang mga ito ng libreng sakay ay iprisinta ang kanilang balidong MARINA-issued Seaman’s Book o di kaya’y PRC ID.
Ang Hunyo 25 ay idineklarang Day of the Filipino Seafarers sa bisa ng Proclamation 183 na nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III noong taong 2011.
Layunin nito na ipakita ang respeto, pagkilala at pasasalamat sa mga Filipino seafarers dahil sa kanilang di matatawarang kontribusyon sa national development efforts ng bansa.
Ang LRT-1 ang nag-uugnay sa Roosevelt, Quezon City at Baclaran, habang ang LRT-2 naman ang nag-uugnay sa Santolan, Pasig City at C.M. Recto sa Maynila.