Plantation sinalakay… 5 katao tinodas ng NPA

MANILA, Philippines -Iginapos muna bago pinagbabaril ng mga sumalakay na mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang mga mangga­gawa sa isang plantation na pag-aari ng isang yuma­ong alkalde naganap kahapon sa Brgy. Kawi­li-an, Esperanza, Agusan del Sur.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Remy Pulitan, Felipe Had­raque, Angel Curaza alyas Pukhet, dalawa pang kinilala sa mga alyas na Mang Curente at Jun; pawang nagtratrabaho sa ni-raid na plantasyon. 

Ang mga nasawi na pawang nakagapos ang mga kamay matapos na hilahin sa masukal na bahagi ng Purok Sitio at Sitio Camarangan; pawang sa Brgy. Kawili-an. 

Batay sa ulat, bandang alas-10:30 ng umaga nang sumalakay ang may 80-100 armadong rebelde sa Sianalyn Plantation na matatagpuan sa Brgy. Kawili-an sa nasabing bayan.

Ang nasabing plantas­yon ay pag-aari ng yumaong dating alkalde ng nasabing bayan na si Deo Manpatilan na na­ging aktibo sa counter-insurgency campaign na nagdulot ng matinding dagok sa NPA rebels sa ka­nilang lugar.

Lumalabas sa ulat, na ang mga rebelde ay pawang nakasuot ng ca­mouflage uniform at mga armado ng malalakas na kalibre ng armas ay sakay ng dalawang truck nang isagawa ang pagsalakay.

Bukod dito ay sinunog din ang mga heavy equipments ng mga sumalakay na rebelde na bahagi ng pangingikil ng mga ito ng revolutionary tax sa nasabing farm na pinanga­ngasiwan ng pamilya ng yumaong alkalde.

Naglunsad na ng hot pursuit operations ang pinagsanib na elemento ng militar at pulisya laban sa mga umatakeng rebelde.

Show comments