Mister, estudyante nagpakamatay

MANILA, Philippines - Nagpatiwakal ang isang mister at isang estudyante sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan at Navotas City, kahapon ng umaga at kamakalawa ng umaga.

Ang mister ay kinilalang si Joseph Manahan, 50-anyos, ng Phase 10-A Bagong Silang, Caloocan, habang ang estudyante ay si Liza Adduru, 18 ng Road 10 Sitio Sto. Nino, Brgy. NBBS, Navotas City.

Sa ulat ng Northern Police District (NPD), dakong alas-7:00 kahapon ng umaga nang madiskubre  ng kaptibahay na si Ligaya Sarmiento ang bangkay ni Manahan na nakabigti sa loob ng kanyang kuwarto gamit ang isang nylon cord.

Nabatid na bago ang pagpapatiwakal, humingi ng patawad si Manahan sa mga anak dahil sa pagpaparusa niya sa mga ito.  Nag-ugat umano ang depresyon ni Manahan nang hindi na umano magpadala ng pera ang kanyang misis na nagtatrabaho sa Saudi Arabia at nagkaroon ng problema sa gastusin para sa mga anak dahil sa wala itong sariling trabaho. Dakong alas-7:00 naman ng umaga kamakalawa nang makitang nakahandusay si Adduru sa tapat ng bahay nito.  Isinugod pa sa Tondo Medical Center ang estudyante pero hindi na rin naisalba ang buhay nito dahil uminom ng silver cleaner.

Show comments