MANILA, Philippines -Sinubok ng Philippine Navy ang pinakabago nilang warship nang magsagawa ng test fire sa Atlantic Ocean sa mga armas pandigma ng BRP Ramon Alcaraz.
Ayon kay PN Capt. Ernesto Baldovino, CommanÂding Officer ng BRP Alcaraz na naging matagumpay ang pagsubok ng kanilang Oto Melara na nakapagpaputok ng 15 rounds ng kanyon at kayang tumarget ng 80 76 MM rounds kada minuto at karagdagan pang 12 rounds sa floating targets na nasa layong dalawa hanggang tatlong milya.
Ang test fire sa Oto Melara ay isinagawa sa Atlantic Ocean, tatlo at kalahating oras matapos na umalis ang barko sa Mayport, Florida nang magkarga ng bala doon.
Inihayag pa na ang BRP Ramon Alcaraz ay patungo na sa Panama Canal na siyang ikalawang stop over sa halos dalawang buwang paglalayag patungo sa Pilipinas upang madagdag sa barkong pandigma ng PN.
Ang BRP Alcaraz ay umalis sa Charleston, South Carolina noong Lunes matapos ang mahigit isang taon itong mabili bilang 2nd hand sa US Coast Guard. MaÂliban sa Mayport at Panama ang barko ay magsasagawa rin ng stop over sa San Diego, Honolulu at Guam bago ito dumeretso ng paglalayag patungo sa Pilipinas.
Inaasahan namang darating sa Pilipinas ang BRP Alcaraz sa unang linggo ng Agosto na dadaong sa Subic Bay, Zambales kung saan ito pipintahan para sa itinakdang commissioning at pagbibinyag sa barko sa unang linggo ng Setyembre sa taong ito.