Suspek: “Minamaliit niya ako palagi”… mapang-api inatado habang tulog

MANILA, Philippines - Niresbakan ng isang lalaki ang kasamahan sa trabaho na umano ay laging nambu-bully sa kanya kaya’t pinasok niya ang quarter nito at pagsasaksakin habang mahimbing na natutulog naganap kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Namatay noon din ang biktima na nakila­lang si Jun Gonzales, 30, carwash boy, na nagtamo ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kusang loob na sumu­ko sa barangay ang suspek na si Marlon Gultiano, 24, carwash boy.

Batay sa imbestigas­yon, bago naganap ang krimen dakong alas-4:30 ng madaling-araw sa loob ng quarters ng biktima sa pinapasukang Bumper to Bumper Carwash na matatagpuan sa kahabaan ng Campbridge St., Brgy. E. Rodriguez ng lungsod ay matutulog na ang suspek at ibang kasama nang dumating na lasing ang biktima at pinagalitan sila na kung saan ay nanggulo ito at pinagsusuntok ang suspek.

Lumabas ng quarter ang  suspek at nakita niya ang isang patalim sa kusina at nang balikan ang biktima ay mahim­bing na itong natutulog kaya’t inatado niya ito ng saksak hanggang sa mamatay ito.

Inamin ng suspek ang krimen at nagawa  lang niya umano dahil madalas siya at ng kanyang mga kasamahan na pagalitan ng biktima hinggil sa trabahong ginagawa bukod pa na kapag nalalasing ay hinahamon nito ng suntukan ang una.

Matapos na pagsasaksakin ang biktima, lumabas si Gultiano sa kanyang quarters at nakita ng kanyang mga kasamahan na may bahid ng dugo habang hawak ang patalim at sumuko sa mga nagrorondang mga barangay tanod.

Show comments