Paslit nabaril ng tatay, patay

MANILA, Philippines - Agad na nasawi ang isang paslit makaraang aksidenteng mabaril ng sariling ama habang nag-aaway ang mag-asawa sa loob ng kanilang tahanan sa Dasmariñas City, Cavite, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Police Supt. Joseph Penaflor ang biktima na si Jairus Dela Cruz, 4 anyos residente ng Sitio Abot Kamay, Barangay Langkaan 1, Dasmariñas City.

Kusang loob namang sumuko sa pulisya ang suspek si Roberto Dela Cruz 41, ama ng biktima, tricycle driver ng nasabi ding lugar.

Batay sa imbestigas­yon ni PO1 Ellaine Magsino may hawak ng kaso, ganap na alas-10:35 ng gabi ng maganap ang insidente.

Ayon sa report, papasok pa lamang umano ang suspek  sa loob ng kanilang  bahay nang bungangaan ito ng kanyang misis na si Bleziela dahil sa lasing na naman ito.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa hanggang bunutin ni mister ang kanyang sumpak para sana takutin si misis at tumigil sa pagbubunganga.

Subalit nakalabit nito ang gatilyo at nasapul sa tiyan ang bata na siyang dahilan ng pagkamatay nito.

Show comments