Pulis dedo, 5 pa sugatan sa banggaan sa Skyway

MANILA, Philippines - Dedo ang isang pulis habang malubhang nasugatan ang lima pa nang magbanggaan ang isang sports car at isang Sports Utility Vehicle (SUV) sa Skyway sa bahagi ng Parañaque City kamakalawa ng tanghali.

Wala nang buhay nang isugod sa Ospital ng Muntinlupa dahil sa tinamong matitinding pinsala sa katawan si Police Chief Insp. Ferdinand Rosario, 37-anyos, nakatalaga sa Regional Public Safety Battalion ng National Capital Regional Police Office (NCRPO).

Nakaratay naman sa Camp Crame General Hospital sa Quezon City ang mga kasamahan nitong sina PO1s Junry Ybañez, Merlito Paliwa at Andrew Lamayo. 

Isinugod naman sa Asian Hospital ang mga nakabanggaan na sina Aldwin Co, 50-anyos, negosyante, ng Ayala-Alabang at kasambahay nitong si Grace Animay, 31-anyos.

Sa ulat ni SPO1 Ramon Pagado ng Highway Patrol Group (HPG), naganap ang banggaan dakong alas-12:00 kamakalawa ng tanghali sa may southbound lane ng Skyway-South Luzon Expressway malapit sa Sucat Exit.

Lulan ang apat na pulis sa isang Mitsubishi Adventure na minamaneho ni Rosario nang mabundol umano buhat sa likuran ng isang Ford Mustang GT sportscar na wala pang plaka na minamaneho naman ni Co.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang Adventure hanggang sa sumalpok sa isang pader na nagresulta ng pagkamatay ng pulis.

Show comments