French man dedo sa snatcher sa Pasay

MANILA, Philippines - Isang turistang French national ang nasawi nang ito ay pagbabarilin ng isang holdaper na humablot sa dala nitong bag kahapon ng umaga sa Pasay City.

Ang biktima na idineklarang dead-on-arrival sa San Juan De Dios Hospital dahil sa tatlong tama ng baril sa katawan ay nakilalang si Hoffman Pierre Paul Franz, 68-anyos, tubong Du Ulouse, France at pansamantalang nanunuluyan sa Ralph Mansion, Parañaque City.

Nakatakas naman ang suspek na lulan ng isang motorsiklo na minamaneho ng naghihintay niyang kasama tangay ang bag ng biktima na naglalaman ng pera at personal na gamit.

Batay sa ulat, dakong alas-8:30 ng umaga ay naglalakad ang biktima kasama ang dalawa pang kababayan na sina Leclerc Julien Cuy Henry, Dubois Leclerc at Filipina na si Joselyne Maria Theresa sa EDSA upang sumakay ng taxi patungo sa terminal ng Victory Liner nang harangin ng suspek na armado ng baril sa tapat ng Heritage Hotel.

Puwersahang hinablot ng suspek ang bag ng biktima, subalit pumalag umano ito kaya’t pinagbabaril ng una.  

Wala namang agad na nakasaklolo sa mga biktima kahit na abala ang naturang bahagi ng EDSA at napakaraming nakakalat na traffic enforcers habang may tourist police rin na nakatalaga sa tapat ng naturang hotel.

 

Show comments