MANILA, Philippines - Inaresto ng mga tauhang ng Manila Police District si Manila Vice Mayor Isko Moreno at apat na konsehal sa lungsod dahil umano sa paglalaro ng bingo sa Tambunting, Sta Cruz, Maynila, kahapon ng hapon.
Dinala sa himpilan ng pulisya si Moreno kasama sina Konsehal Joel Chua, Re Fugoso, Yul Servo at Jong Isip matapos silang dakpin dakong alas-3:30 ng hapon habang isinasagawa ang pabingo sa barangay Tambunting.
Ayon kay Moreno, malinaw na political harassment ang ginawa sa kanila dahil ang bingo ay wala na umano sa hanay ng mga illegal na sugal.
Nagtataka si Moreno kung ano ang kanilang kakaharaping kaso na ayon umano sa mga pulis na dumakip sa kanila ay paglabag sa illegal gambling ang kanilang kasalanan.
Kinondena ni Moreno ang umano’y marahas na pagdakip sa kanila dahil masyado umanong marami pulis ang dumampot sa kanila samantalang nagkakasayahan lamang ang mga residente ng Tambunting.
Bunsod nito, mabilis namang nagtungo si dating Pangulong Joseph Estrada upang damayan ang kanyang mga kapartido sa nalalapit na halalan.
Paliwanag ni Moreno, hindi pa naman illegal ang kanilang ginawa dahil ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes ay sa Marso 29 pa simula ang kampanya ng mga local officials.