MANILA, Philippines - Ibinasura ng Pasay City Prosecutor’s Office ang kasong physical injuries at child abuse na isinampa ng mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barreto laban kay Mon Tulfo kaugnay sa nangyaring bugbugan sa NAIA Terminal 3 noong Mayo ng nagdaang taon.
Sa apat na pahinang resolusyon ni Senior Assistant City Prosecutor Manuel Loteyro, ibinasura ang naturang mga kaso laban kay Tulfo dahil na rin sa walang makitang sapat na ebidensiya na magdidiin sa kanya sa kaso.
Sinabi ni Loteyro na hindi maaaring sampahan ng kasong child abuse si Tulfo dahil sa ilalim ng batas na lumikha nito, maaari lamang kasuhan ang isang tao kung ang pananakit sa bata, maÂging ito man ay pisikal o psychological ay dapat na sinadya, direkta at may paghahangad.
Hindi rin kinatigan ng piskalya ang akusasyon ng mag-asawang Santiago na sinaktan sila ni Tulfo nang tanungin lamang nila kung bakit sila kinukuhanan ng larawan.
Sinabi ni Loteyro na napaka-imposible para sa isang senior citizen na kaagad na mananakit ng kapwa dahil lamang sa isang hindi nakakainsultong tanong.
Nauna dito, ibinasura rin ni Pasay City Prosecutor Theresa Purzuelo ang kasong physical injury, grave coercion at oral defamation na isinampa naman ni Tulfo laban kay Claudine, subaÂlit inirekomenda naman ang paghahain ng kasong physical injury laban kay Raymart at sa kamasahan nilang si Eduardo Atilano na nakita sa video footage na sumusuntok sa mamamahayag.