Transformer ng LRT 2 depot nasunog

MANILA, Philippines - Naantala ang operas­yon ng Light Rail Transit (LRT) Line 2 (Santolan-Recto) matapos masunog ang power supply o transformer ng depot nito sa Santolan, Pasig City kahapon ng madaling-araw.

Sa natanggap na ulat ni  LRT Authority (LRTA) spokesman Atty. Hernando Cabrera, dakong ala-1:00 ng madaling-araw nang magkasunog sa po­wer supply na dahilan upang hindi naiakyat ang mga tren sa riles ng LRT-2 at hindi kaagad sila nakapagsimula ng operasyon.

Hindi na rin muna pi­na­yagan ang mga pasahero na umakyat pa sa istasyon ng mga tren hanggang hindi pa naiaayos ang problema.

Anim na oras ang nakalipas bago makahanap ng ibang power source ang mga tren at pasado alas-8:00 ng umaga nang magbalik sa normal ang operasyon nito. Patuloy ang imbestigasyon upang malaman ang sanhi ng sunog. – Mer Layson, Lordeth Bonilla –

 

Show comments