Nagpasabog sa bahay ng mayor, napatay
MANILA, Philippines - Napatay sa pakikipagbarilan sa mga pulis ang isa sa mga suspek na nasa likod ng pagpapasabog sa bahay ng mayor sa lalawigan ng Sultan Kudarat, habang nadakip ang isang kasama nito kamakalawa.
Kasalukuyan pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng napatay na suspek matapos na walang marekober na anumang pagkakakilanlan.
Habang ang nasakoteng kasama nito ay nakilalang si Nasser Abdullah, 40-anyos, residente ng Kabacan, North Cotabato at nakumpiskahan ng isang cal .45 pistol at granada.
Sa ulat ni Sr. Supt. Juny Buenacosa, Director ng Tacurong City Police, bandang alas-7:45 ng gabi nang makipagbarilan sa mga pulis ang dalawang suspek na tinugis ng mga ito matapos nilang hagisan ng granada ang compound ng bahay ni Mayor Emilio Salamanca sa President Quirino, Sultan Kudarat.
Nagkataon namang nasa labas ng bahay ng alkalde ang mga bodyguard at mabilis na hinabol ang mga suspek at tumulong rin sa pagtugis ang mga nagrespondeng elemento ng pulisya na humantong sa shootout.
Habang tinutugis ay naghagis ng isa pang granada ang mga suspek na sumabog na ikinasugat ng sibilyang si Jona Parenio.
Sa kasagsagan ng shootout ay napatay ang isa sa mga suspek habang sumuko naman ang kasamahan nito nang makorner ng mga operatiba ng pulisya habang nagkukubli sa lugar.
Nasugatan din sa shootout ang dalawang security escort ni Salamanca na sina Nilo Malcontento at Junfer Icalina.
- Latest