1patay, 1kritikal… duwelo: trader vs trader

MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang negosyante makaraang makipagbarilan o makipag-duwelo sa kanyang kapwa negosyante sa Tondo, Maynila kahapon ng tanghali.

Ang biktima na dead-on-arrival sa Mary Johnston Hospital ay nakilalang si Armando Tudla, may asawa ng #629 Gerona St., Tondo habang nasa malubhang kalagayan naman ang nakabarilan nitong si Christopher Roxas, 32, may asawa ng #623 Gerona St., Tondo.

Sa isinumiteng report ni Det. Benito Cabatbat kay P/Sr. Insp. Esmael dela Cruz, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-12:00 ng tanghali sa Gerona St., Tondo.

Ayon sa inisyal na report, naglalakad si Tudla sa kinaganapan ng insidente nang makasalubong nito si Roxas at naghamunan umano ng duwelo ang dalawa.

Halos magkasabay na nagbunot ng baril at nakapagpaputok ang dalawa, kung saan ay tinamaan si Tudla sa mukha habang sa tagiliran naman ng katawan tinamaan si Roxas at sabay na tumumba ang dalawa.

Kapwa isinugod ang dalawa sa magkahiwalay na pagamutan, subalit hindi na umabot ng buhay si Tudla, habang patuloy namang inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Roxas.

Sinasabing ang da­lawa ay may matagal ng alitan na may kinalaman sa pera dahil kapwa sila negosyante.

Gayunman, nagsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya para matukoy ang tunay na dahilan ng duwelo ng dalawang negosyante.

Show comments