MANILA, Philippines - Sa unang buwan ng susunod na taon ay nakatakda nang ipatupad ng pamahalaan ang Household Service Workers (HSWs) reform package program na siyang magbibigay ng proteksiyon sa lahat ng manggagawang Pinoy na nais magtungo at magtrabaho sa bansang Malaysia.
Tiniyak naman ni Salvador “Buddy” Curameng, pangulo ng Philippine Association of Manpower Agencies for Malaysia Affiliates (PAMAMA), na susunod sila sa polisiya ng pamahalaan o sa RA 10022 at sa POEA Implementing Guidelines na No Placement Fee, No Salary Deduction at pagbibigay ng minimum na 400 US dollar monthly salary sa mga HSWs.
Ayon kay Curameng, ang sinumang recruitment o deployment agency na lalabag sa HSWs reform package program ay pagmumultahin at kakanselahin ng DOLE at POEA ang kanilang mga lisensiya.
Siniguro rin niya na mahigpit na babantayan ng PAMAMA at ng kanilang counterparts sa Malaysia sa pamumuno ni Dato Raja Zulkepley,
presidente ng Malaysia National Association of Employment Agency, ang implementasyon ng HSWs reform package program.
Nagkaroon na ng Memorandum of Agreement (MOA) signing kamakailan ang grupo ni Curameng at Zulkepley para sa mahigpit na pagpapatupad HSWs reform package program ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA).