6 hijackers huli sa MPD

MANILA, Philippines- Anim na hijacker kabilang ang isang pekeng kagawad ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) at 7 iba pang sangkot sa pagbili ng hijacked steel at wire rods ang inaresto sa magkakasunod na follow-up operation ng mga  tauhan ng Manila Police District (MPD).

Sa ulat ni MPD-Distict Police Intelligence Operation Unit chief, C/Insp. Daniel Buyao, isang ten wheeler truck na naglalaman ng tone-toneladang wire rods ang na-hijack  noong Nobyembre 30 dakong alas-2:30 ng madaling-araw, sa Road 10 Vitas, Tondo, Maynila na pag-aari ng isang Mark Sy Lu ng Dynamic Lu-4M Services, sa 9th Avenue Grace Park Caloocan City.

Lulan ang mga wire rod ng 10-wheeler truck nang harangin umano ng mga   suspek na pawang armado ng baril at patalim sa Road 10,  Vitas,  Tondo.

Iginapos ang driver na si  Orlando Ramos, 31,  at ang pahinanteng si Soreto Manguimba,  24, binusalan ang bibig at pinababa sa truck saka tinangay ang sasakayan.

Nang ireport sa MPD, agad inaksyunan ni Maj. Buyao at kamakalawa ng umaga ay nadakip ang mga  suspek at ikanta ang lider nila na si Fritz Gerard  Foquilane, 28, residente ng  Sta. Cruz,  Maynila.

Nang dakpin si Foquilane ay nakasuot pa ng  complete uniform ng PNP-SAF subalit nang  beripikahin ay nabatid na hindi siya tunay na awtoridad, inaresto rin ang 7-kataong bumili ng ‘hot item’.

Show comments