MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P800,000 na halaga ng pera at alahas ang natangay sa isang biyuda ng dalawang miyembro ng Salisi gang kahapon ng tanghali sa Pasig City.
Kinilala ang biktima na si Elvira Regal, 69, ng
Balete St., Molave Annex II, Molave Subd., Parañaque City.
Sa salaysay ng biktima kay SPO1 Marlon Maiso, ng CIU, nangyari ang insidente dakong ala-1:25 ng tanghali habang naghahanap umano siya ng
mapaparadahan ng kanyang kotse na Toyota Camry na may plakang XPN-530 sa parking lot ng Pacific Bldg., Ortigas Center, Pasig City.
Dito ay lumapit ang dalawang babae at sinabi umanong may nakasaksak na susi sa ‘back trunk hood’ ng kanyang sasakyan kaya siya bumaba ng kotse para tingnan.
Habang nasa likuran ng sasakyan ang biyuda ay agad naman dinampot at
tinangay ng mga suspek ang kanyang bag na naglalaman ng mga alahas at
pera na aabot sa P800,000 at mabilis na tumakas.