Pinagtataga ng jungle bolo… engineer inutas sa barko

MANILA, Philippines - Pinagtataga ng jun­gle bolo hanggang sa mapatay ang isang chief engineer ng suspek na quarter master habang naglalayag ang sinasakyan nilang barko sa Manila Harbour Center, North  Harbor, Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Sr., Insp.  Joey de Ocampo, hepe ng Manila Police District-Homicide Section ang biktimang si Engr. Rio Billones, 34, residente ng Juan Luna corner M. Industria Sts., Tondo.

Agad naman nadakip ang suspek na quarter master na si Julito Sibong­ga, 40, nakatira sa Kasahan St., Batasan Hills Quezon City.

Sa  ulat ni SPO3 Rodelio Lingcong, nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-8:45 ng gabi sa loob ng tugboat  na M/T Nicole.

Sa salaysay ni  Eliseo Sacedor, 46,  stay-in captain ng Coastline Integra­ted Services Corporation, siya ang nagpapatakbo ng tugboat  patungo sa Delpan nang marinig niya ang pag-aaway nina Billones at Sibongga.

Sinabi ni Sacedor, na­rinig niyang nagsisigawan ang dalawa hanggang kumuha ng jungle bolo ang suspek at pinagtataga ang biktima.

Matapos ang insiden­te ay nagtangka pa uma­nong tuma­kas ang suspek sa pamamagitan ng pagtalon sa dagat pero mabilis siyang di­namba at inaresto ng ope­ration officer ng barko na si Dominador Torres.

Nananatiling tikom ang bibig ng suspek at ayaw niyang sabihin ang dahilan ng pag-aaway nila ng biktima.

Sa ngayon ay nakapiit na sa MPD-Homicide Section detention cell si Sibongga at nahaharap sa kasong murder.

Show comments