MANILA, Philippines - Arestado ang isang enlisted serviceman ng Philippine Navy at live-in partner nito sa mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nang salakayin ang isang “drug den” na inooperate ng suspek sa Taguig City kamakailan.
Ang mga suspek ay nakilalang si Romy de Torres, Philippine Navy enlisted serviceman, at kinakasama nitong si Evelyn Labjata, alyas Belen, kapwa residente ng #180 Block 6, Zone 3, Brgy. Fort Bonifacio sa lungsod.
Inaresto rin ng mga awtoridad sina Benhie Delos Reyes, 43; Eduardo Matias Labjata, 46; at Randy Quiambao Rili, 26.
Nabatid na sinalakay ng mga tauhan ng PDEA Special Enforcement Service at Naval Intelligence and Security Force sa koordinasyon sa Taguig City Police nitong Oktubre 29 ang bahay ni de Torres na ginagamit nito bilang drug den.
Narekober sa loob ng bahay ang 25 pirasong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, 35 aluminum foil at iba pang paraphernalia. Inabutan sa loob ng bahay ng mga otoridad sina Delos Reyes, Labjata at Rili.