Muyang ban na sa PBA
MANILA, Philippines — Pinatawan ng PBA ng indefinite ban si Larry Muyang matapos labagin ang kontrata sa mother ball club na Phoenix Fuel Masters.
Mayroon pang live contract si Muyang sa Phoenix subalit namataang naglaro para sa Pampanga Giant Lanters sa MPBL sa idinaraos nitong Season 7.
Ayon sa Phoenix management, hanggang Mayo pa ang naturang kontrata na nilabag na ni Muyang dahil sa paglalaro sa ibang koponan at sa ibang liga, lalo’t sa kasagsagan ng 2025 PBA Philippine Cup.
Mismong si Marcial ang nagsabi kay Muyang ng kanyang parusa sa kanilang pagpupulong kamakalawa sa Ninoy Aquino Stadium tampok ang double-header ng Phoenix at Meralco pati na ng Converge at Blackwater.
“Banned ang status niya (ngayon) sa PBA,” ani Marcial.
Ayon kay Marcial ay humingi ng sinserong paumanhin si Muyang dahil sa pagkakamali subalit kailangan pa rin harapin ang naturang parusa.
Kung sakali namang magkaayos si Muyang at ang Phoenix ay maaaring umapela si Muyang sa PBA Board of Governors upang maalis ang ban at makabalik sa PBA.
Napili ng Fuel Masters bilang No. 7 overall pick noong 2020 draft si Muyang na produkto ng Letran Knights at sa naturang koponan lang naglaro sa kanyang buong karera sa PBA bago ang sigalot ngayong season.
May 1-2 kartada ngayon ang Phoenix nang silatin ang reigning champion na Meralco, 109-97, matapos ang pagkatalo kontra sa Terrafirma, 95-87, at Converge, 92-83.
- Latest