NU walang balak magpahinga
MANILA, Philippines — Wala sa isip ng defending champion National University ang salitang kampante.
Nakumpleto ng Lady Bulldogs ang first round sweep sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament matapos masikwat ang pahirapang 23-25, 25-17, 19-25, 25-18, 15-9 panalo laban sa University of Santo Tomas sa huling araw ng first round noong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Papasok sa second round ang NU tangan ang malinis na 7-0 rekord.
Sa kabila ng tagumpay, walang balak magpakampante ang Lady Bulldogs dahil alam ng tropa na desidido ang bawat team na makaresbak sa second round.
Kaya naman nais ng Lady Bulldogs na mas pataasin pa ang laro nito lalo pa’t papasok na ang torneo sa krusyal na estado nito.
Alam ni reigning MVP Bella Belen na siguradong napag-aralan na ng ibang teams ang bawat galaw nila sa loob ng court.
Dahil dito, bubuo ng mga bagong plano ang Lady Bulldogs para masigurong nasa mataas na kundisyon ang kanilang tropa.
Malaki ang posibilidad na mawalis ng Lady Bulldogs ang buong season.
Subalit kailangan nitong tutukan sa second round ang mga teams na nagpahirap sa kanila kabilang na ang UST at ang La Salle na desididong makaresbak matapos mawalis sa first round.
Maliban kay Belen, aasa rin ang Lady Bulldogs kina reigning UAAP Finals MVP at opposite spiker Alyssa Solomon, at wing spiker Vangie Alinsug.
- Latest