MANILA, Philippines — Nakasikwat ng panalo ang Mano Dura bago lumisan ang 2024 nang sikwatin ang korona sa Cool Summer Farm Imported Stakes race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Kalmadong lumabas ng aparato ang Mano Dura na sinakyan ni jockey Kelvin Abobo, ipinuwesto lang sa tersero kaya hinayaan nitong mauna ang matulin sa largahan na Darleb habang nasa pangalawa ang Perfect Delight.
Pagdating sa kalagitnaan ng karera ay unti-unting lumapit sa unahan ang Mano Dura kaya naman sa far turn ay naagaw na nito ang bandera sa Darleb.
Patuloy na humaharurot ang Mano Dura kaya naman pagsungaw ng rektahan ay nasa apat na kabayo na ang lamang ng winning horse.
Mas ginanahan sa rektahan ang Mano Dura, umabot sa limang kabayo ang agwat nito sa mga katunggali kaya magaan nitong tinawid ang finish line, pumangalawa ang Daily Burn, tersero ang Perfect Delight habang pang-apat ang Darleb.
Nilista ng Mano Dura ang tiyempong 1:37.6 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Den Tan ang P180,000 premyo sa event na inisponsoran ni Joseph Dyhengco.
Nakopo ng Daily Burn ang second place prize na P67,500 habang P37,500 at P15,000 ang Perfect Delight at Darleb ayon sa pagkakasunod.