Marvelous Maxinne wagi sa 3rd Cool Summer Race

MANILA, Philippines — Nakitaan ng husay ang Marvelous Maxinne matapos ang wire-to-wire win sa 3rd Cool Summer Farm Juvenile Championship stakes race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.

Pabida agad ang Marvelous Maxinne sa largahan nang sunggaban ang unahan paglabas ng aparato at kahit kinapitan agad siya ng Joint Venture ay nanatiling tangan ng winning horse ang bandera.

Pagsapit sa kalagitnaan ng karera ay nanatili sa unahan ang Marvelous Maxinne habang magkakadikit sa likuran niya ang Joint Venture, Exalted at Lady Bug Red.

Umigting ang labanan sa far turn nang magbad­yang kumuha ng unahan ang Exalted pero hindi natinag ang Marvelous Maxinne hindi nito isinuko ang unang puwesto.

Kaya naman pagsu­ngaw ng rektahan ay pa­tuloy na namamayagpag sa unahan ang Marvelous Maxinne na sinakyan ni reigning PSA Jockey of the Year awardee John Alvin Guce.

Mas lumayo pa ang lamang ng Marvelous Ma­xinne sa huling 100 metro ng karera kaya nagwagi ito ng may apat na kabayo ang bentahe sa segundang Exalted.

Nirehistro ng Marve­lous Maxinne ang tiyem­ping 1:28 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Aldrich Tan ang P600,000 premyo.

Nasikwat naman ng E­xalted ang second place prize na P225,000 habang P125,000 at P50,000 ang third at fourth placers na sina Joint Venture at Cole Is Right, ayon sa pagkakasunod.

Show comments