MANILA, Philippines — Defense at hustle.
Ito ang naging secret formula ng Mapua University para walisin ang College of St. Benilde sa kanilang NCAA Season 100 men’s basketball championship series at wakasan ang 33 taong pagkauhaw sa titulo.
“Iyong defense, ‘yung hustle,” ani coach Randy Alcantara. “Iyon ‘yung nangyari sa amin last year. Nakuha namin ‘yung Game One, parang na kontento kami. Hindi namin na-finish ‘yung last year. So nabago namin ‘yung result through hustle.”
Sa Season 99 ay kinuha ng Mapua ang Game One bago sila binalikan ng San Beda sa Games Two at Three para agawin ang kampeonato.
Huling naghari ang Cardinals noong 1991 tampok ang game-winning putback ni Benny Cheng sa Game Three kontra sa San Beda Red Lions.
Kasama ng 55-anyos na si Cheng si Alcantara sa nasabing tropa ni mentor Joel Banal bukod kina Chester Lemen, Reynold So, Neri Ronquillo, George Baltazar at Darren Evangelista na nanood sa Game Two sa Smart Araneta Coliseum.
“Ako rin ‘yung pumanhik at kumuha ng net noon. Ako ‘yung naggupit at kumuha ng net ng team na iyon,” sabi ng 52-anyos na si Alcantara na iginiya rin ang Mapua Red Robins sa NCAA juniors’ title noong 2018.
Ngayong Season 100 ay tinalo ng Cardinals ang Blazers sa Game One, 84-73, at Game Two, 94-82, para kumpletuhin ang sweep sa kanilang best-of-three titular showdown.
Hinirang si Clint Escamis bilang Finals Most Valuable Player sa kanyang mga averages na 24.5 points, 4.0 assists at 4.0 steals.
“Thirty-two years last year, 33 years ngayon, every year na lang heartbreak tapos we did it. It was a show para sa past na Cardinals, past coaches ng Cardinals, sa student body, para talaga sa kanila ito,” sabi ng 24-anyos na Season 99 MVP.