Dadayo ang Gilas Pilipinas sa Taipei at sa New Zealand sa Pebrero para sa kanilang huling dalawang laro sa FIBA Asia Cup qualifying tournament.
Swak na actually ang Gilas sa Asia Cup proper matapos walisin ang kanilang unang apat na group assignments. Pero mas magandang ituloy ang ratsada upang masama sa mga top seeds na mangunguna sa bawat grupo sa initial round ng 2025 continental championship sa Jeddah, Saudi Arabia.
Noong 2022 championship sa Jakarta, poste sa apat na grupo ang eventual champion Australia, Iran, New Zealand at China (mula pot 1 sa drawing of lots)
Ito ang magandang pwestong pwedeng kuhain ng Team Philippines kung makumpleto ang twin kill kontra Chinese Taipei at New Zealand.
Last time, nasa pot 2 sa draw ang Gilas Pilipinas kasama ang South Korea, Japan at Jordan.
Nauwi sila sa Group D kasama ang Lebanon, New Zealand at India.
Hindi maganda ang performance ng mga batang Gilas players na dala noon ni coach Chot Reyes. Tumapos ng third place lang sa grupo at pisak agad sa knockout round, dapa kontra Japan, 102-81.
Pero naisaayos na ang national team program sa pamumuno ni coach Tim Cone at team manager Alfrancis Chua. Hindi na gaanong problema ang availability ng mga players, at inaasahan ang magiging magandang takbo ng Gilas redemption tour sa Jeddah.
Siya nawa!