Lao sa PVL: Alohi paglaruin

MANILA, Philippines — Inaasahan ni Farm Fresh team owner Frank Lao na paninindigan ni Premier Volleyball League (PVL) president Ricky Palou ang kanilang kasunduan para palaruin si Fil-Am setter Alohi Ro­bins-Hardy sa 2024-25 All-Filipino Conference.

Ayon kay Lao, nagkaroon sila ni Palou ng isang gentleman’s agreement noong Hunyo kung saan sinabi ng huli na maaaring maglaro si Robins-Hardy sa Foxies kung makapagsusumite ito ng isang valid Philippine passport.

Subalit nag-iba ang pahayag ni Palou at kailangan na ngayong dumaan ng 5-foot-10 Fil-Am setter sa PVL Rookie Draft sa susunod na taon.

“After the PVL draft, there was an agreement between me and Mr. Palou that Alohi can play provided that she presents a valid Philippine passport. That’s why I was shocked to learn that she can’t play unless she joins the PVL draft,” sabi ni Lao kahapon.

Huling naglaro si Ro­bins-Hardy para sa Cignal sa nabuwag na Philippine Superliga (PSL) bago bumalik sa United States noong 2021.

Sa nasabing taon ay naging isang professional league naman ang PVL.

Hahataw ang PVL All-Filipino Conference bukas sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City. 

Show comments