AJ, Kai aariba sa FIBA Asia Cup Qualifiers

AJ Edu at Kai Sotto
FIBA / STAR/File

MANILA, Philippines — Desidido ang Gilas Pilipinas na mapasaya ang mga kababayan nitong manonood dahil isasabak nito ang malakas na lineup sa second window ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers na idaraos sa Nobyembre 21 at 24 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Maglalaro sina slotmen AJ Edu at Kai Sotto para palakasin ang Gilas squad na sasabak kontra sa New Zealand at Hong Kong.

Ito ang kinumpirma ni Gilas Pilipinas team manager Richard del Rosario kung saan sinabi nitong nasa magandang kundisyon na si Edu na kasalukuyang naglalaro para sa Nagasaki Velca sa Japan B.League.

Malaki ang maitutulong ni Edu partikular na sa laban ng Gilas kontra sa New Zealand na may matangkad na lineup.

“He’s healthy. Right now, he’s healthy and doing very well in the B.League. He’s going to be a big addition especially facing big teams like New Zealand,” ani Del Rosario.

Matatandaang hindi nakapaglaro si Edu sa first window noong Pebrero dahil nagpapagaling pa ito sa kanyang injury.

Hindi rin nasilayan sa aksyon si Edu sa laban ng Gilas sa FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Riga, Latvia noong Hulyo.

Sa kasalukuyan, may averages si Edu na 7.1 points, 6.3 rebounds at 1.7 blocks sa paglalaro nito para sa Nagasaki.

Nangunguna ito sa blocking department sa Japan B.League..

Naglalaro rin si Sotto sa Japan B.League para sa Koshigaya Alphas.

Show comments